Isinusulong ni Senador Sonny Angara ang pagdedeklara sa November 7 ng kada taon bilang isang special working holiday bilang paggunita sa pagpapatayo ng unang mosque at pagpapalaganap ng Islam sa Pilipinas.
Sa paghahain ng Senate Bill 1616, binigyang diin ni Angara ang pangangailangan na kilalanin ang malaking kontribusyon ng Islamic faith sa kultura at sibilisasyon ng Pilipinas.
Ang pagdedeklara aniya bilang special working holiday sa November 7 ay makakatulong na itaas ang kamalayan at pagtatanim ng paggalang sa Islam at sa mga naniniwala dito.
Pinunto ng senador na ang Islam ang isa sa pinakamatandang relihiyon sa bansa, na dumating sa Pilipinas higit isang siglo bago ang Kristiyanismo.
Una nang dineklara ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Sheikh Karim’ul Makkdum day tuwing November 7 bilang isang special public holiday.
Kaugnay nito, nanawagan si Agara sa mga kasamahan niya sa Senado na suportahan ang kanyang panukala dahil karapat-dapat ring ibigay sa ating mga kapatid na muslim ang pantay na pagkilala mula sa pamahalaan.| ulat ni Nimfa Asuncion