Inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Ariel Ignacio na hindi lahat ng mga overseas Filipino worker sa Israel ay gustong umuwi sa Pilipinas.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng pagkakasawi ng ilang OFW matapos na sumiklab ang kaguluhan sa naturang bansa noong nakaraang buwan.
Ayon kay Ignacio, ang gulo sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas ay nangyayari lamang sa timog na bahagi ng Israel.
Sa kabila nito, tiniyak ni Ignacio na nakatutok ang OWWA sa mga kaganapan sa Israel at nakahanda sila sakaling may mga Pilipinong mangangailangan ng tulong doon.
Sa kabuuan, nasa 184 na mga OFW na ang umuwi sa bansa mula sa Israel matapos na dumating ang ika-anim na batch ng mga na-repatriate ngayong araw.| ulat ni Diane Lear