Pinabibilisan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at sa National Housing Authority (NHA) ang probisyon para sa pamamahagi ng housing units at land titles, para sa mga benepisyaryo at sa mga survivor ng Super Typhoon Yolanda, 10 taon matapos ang pananalasa nito.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa Tacloban City ngayong araw (November 8), sinabi ng Pangulo na hindi pa tapos ang trabaho ng pamahalaan para sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng Yolanda.
Binanggit ng Pangulo ang pangangailangan na balikan ang mga unang pabahay na ipinatayo sa lugar, lalo’t base sa assessment ng local government (LGU) doon hindi angkop na tirhan ang mga ito.
“‘Yung unang ginawang reconstruction ng mga bahay ay hindi pumasa kay Mayor Alfred. At sabi niya, hindi pupuwedeng tirahan ito kaya’t binalikan po natin. We went back and we made sure that the facilities that were being created are now suitable for the families that lost their homes. And that is why they continue – the recovery, the rehabilitation, the rebuilding still continues.” —Pangulong Marcos Jr.
Kaugnay nito, inatasan rin ng Pangulo ang Yolanda Response Cluster na paigtingin ang pakikipagtulungan sa mga naapektuhang LGUs, upang tugunan ang mga nananatiling usapin ng mga apektadong komunidad.
“Let us continue to work hard so that we can provide them with the tools and the resources to rebuild their lives,” —Pangulong Marcos Jr.
Habang ginamit rin ng pangulo ang kaganapan ngayong araw, upang muling tumanaw ng utang na loob sa international community at pribadong sektor na umalalay sa mga sinalanta ng Super Typhoon Yolanda. | ulat ni Racquel Bayan