Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng Handa Pilipinas sa Tacloban City ngayong araw (November 8), kung saan ibinida ang effort ng administrasyon para sa disaster risk reduction and management initiatives ng pamahalaan.
Sa kaganapan, binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pag-alala sa aral at karanasang iniwan ng pagtama ng Super Typhoon Yolanda, 10 taon na ang nakakaraan.
Pinatunayan rin aniya ng trahedyang ito ang kahalagahan ng disaster risk reduction and management sa Pilipinas.
Importante aniya ang papel ng Department of Science and Technology (DOST) sa pag-utilize ng mga makabagong teknolohiya para sa prevention, mitigation, paghahanda, at pagtugon, at maging sa recovery effort ng gobyerno, tuwing mayroong sakuna.
Kabilang sa mga ibinidang imbensyon ngayong araw ay ang: mobile command post, triaging trailer tent,
collapsible toilet bowl, pinaigting na emergency disinfection system, fire blanket, unsinkable portaboat,
at water ambulance.
“This is the product of some very important research and development. And however, as the Mayor has pointed out and the Governor has pointed out… Well, first of all, we wish we had all of these 10 years ago when after Yolanda struck. But now, we have them here and kung titingnan natin ang mga teknolohiya na dala ng DOST ngayon na na-develop ng ating mga siyentipiko ay talagang bagay na bagay para sa LGU.” —Pangulong Marcos Jr.
Kumpiyansa si Pangulong Marcos Jr. na ang mga teknolohiyang ito ay makatutulong nang malaki sa mga relief at rescue operation ng pamahalaan.
Kailangan aniya na ma-maximize ng mga Pilipino ang mga makabagong teknolohiya at bilisan ang pag-adopt sa commercialization.
Kasabay nito, hinikayat ng Pangulo ang pagsusulong ng public awareness para maging ang pagiging mas proactive, well-informed, at mas maging handa ang mga Pilipino. | ulat ni Racquel Bayan