Pinaplantsa na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) gayundin ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, ang gagawing integration sa lahat ng closed-circuit television o CCTVs sa National Capital Region (NCR).
Ito ayon sa MMDA ay makaraang pulungin nito ang technical working group TWG buhat sa 16 na lungsod at isang bayan sa Metro Manila.
Pinangunahan nila Atty. Victor Pablo Trinidad, Officer-in-Charge ng Office of the Assistant Manager for Planning ang pulong kasama si Engr. Oliver Bantog ng Management Information Systems.
Dito, tinalakay ang draft memorandum circular ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para pag-isahin na lamang ang lahat ng CCTV camera sa NCR.
Target ng MMDA na magkaroon ng interoperable platform ang CCTV integration upang mapadali pa ang ugnayan ng bawat lokalidad sa Kalakhang Maynila.
Sa ganitong paraan ay mas mapapabilis ang imbestigasyon ng mga krimen at aksidente, at mas magiging epektibo rin ang pagpapatupad ng incident management systems.
Giit pa ng MMDA, makatutulong din ang integration para sa disaster at emergency response, kung saan magkakaroon agad ng pagtugon para sa kaligtasan at seguridad ng mga ngangailanan. | ulat ni Jaymark Dagala