Ibinida ng Philippine National Police (PNP) ang pagbaba ng mahigit walong porsyento ng crime rate sa bansa mula January 1 hanggang October 31 ng taong ito, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Base sa datos ng Crime Information Reporting and Analysis System (CIRAS) ng PNP, bumaba ng 8.24% ang mga index crime, at 8.18% naman ang ibinaba ng mga focus crime tulad ng murder, robbery, theft, rape, physical injury, at carnapping.
Ayon pa kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., sa loob ng naturang panahon ay naging matagumpay ang kampanya kontra sa cybercrimes kung saan naaresto ang 732 indibidwal at naligtas ang 4,096 biktima.
Ang kampanya kontra carnapping naman ay nakapagtala ng recovery efficiency na 71.76%, habang ang kampanya laban sa wanted individuals ay nagresulta sa pagsuko ng 341 at pagkaaresto ng 63,486.
Sa kampanya laban sa loose firearms, iniulat ni Acorda na 7,914 ang naaresto at 25,174 firearms ang narekober, isinuko at nakumpiska; at sa kampanya kontra sa iligal na droga ay mahigit 48,000 drug suspeks ang naaresto, at lagpas sa ₱9.7-bilyong pisong halaga ng iligal na droga ang narekober. | ulat ni Leo Sarne