Pinaigting pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang kampanya laban sa mga pasaway na motorista na dumaraan sa EDSA Busway Lane kahit hindi awtorisado.
Mula sa Quezon City, dumiretso ang mga tauhan ni MMDA Task Force Special Operations Head, Colonel Edison Bong Nebrija sa bahagi ng EDSA-Shaw sa Mandaluyong City.
Sa darating na Lunes, Nobyembre 13 ay ipapatupad na ng MMDA ang pagpapataw ng mas mataas na multa para sa mga hindi awtorisadong sasakyan na dumaraan sa bus lane.
Sa kanilang pagbabantay sa EDSA-Shaw Northbound sinita ng MMDA ang limang pulis, isang sundalo at isang escort ng pulitiko na wala namang sakay.
Una nang sinabi ng MMDA na maliban sa bus, papayagang dumaan sa EDSA Busway ang mga ambulansya at iba pang sasakyan na ginagamit sa pagtugon sa emergency.
Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, papatawan ng P5,000 multa ang mga mahuhuli sa unang paglabag; P10,000 at isang buwang suspensyon ng lisensya para sa ikalawang paglabag.
Samantalang P20,000 at isang taong suspensyon ng lisensya ang ipapataw para sa ikatlong paglabag habang P30,000 at tuluyang kanselasyon ng lisensya ang ipapataw sa ika-apat na paglabag. | ulat ni Jaymark Dagala