Iniulat ni Department of National Defense Officer in Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. na nakakolekta na ng mahigit 10 libong litro ng magkahalong langis at tubig at 72 tonelada ng oil-contaminated debris sa patuloy na isinasagawang oil spill cleanup sa Oriental Mindoro.
Matapos magsagawa ng inspeksyon kahapon sa mga apektadong lugar, sinabi ng kalihim na inaasahang mapapabilis ang oil spill clean-up sa pagdating ng karagdagang assets ng US Coast Guard at US Air Force para tumulong sa operasyon.
Base sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council 36,658 pamilya o katumbas ng 172,928 na mga indibidwal ang naaapektuhan ng oil spill dulot ng lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Habang nasa 13,654 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ang kabuhayan, at 10 siyudad at munisipalidad na ang nagdeklara ng State of Calamity.
Sa ngayon, umabot na sa P136M ang tulong na naibigay ng pamahalaan sa mga apektadong residente. | ulat ni Leo Sarne