Iba pang kasabwat ng 2 Chinese na dumukot sa 3 POGO workers, hinahanap ng PNP-AKG

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinaghahanap ngayon ng Philippine National Police-Anti-Kinapping Group (PNP-AKG) ang iba pang posibleng kasabwat ng dalawang Chinese na naaresto dahil sa pagdukot ng tatlong kapwa-Chinese na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) workers.

Ito’y matapos na maligtas ng Meycauayan Police at AKG noong November 10 ang dalawang Chinese kidnap victim na kasamahan ng unang kidnap victim na nakatakas sa mga kidnapper at nagsumbong sa mga awtoridad.

Dinukot ang tatlo noong November 4 sa Parañaque at dinala sa safehouse sa Jemuel Street, Metrogate Complex, Barangay Pandayan, Meycauayan City, Bulacan.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni AKG Director Police Brigadier General  Cosme Abrenica na ito ang unang kaso ng kidnapping ng mga POGO worker sa taong ito.

Malamang aniya na may iba pang kasabwat ang dalawang arestadong suspek dahil kailangan ng mas maraming tauhan para dumukot ng tatlong biktima.

Ayon pa kay Abrenica, ang dalawang suspek ay sinampahan na ng reklamong Kidnapping for Ransom at Serious Illegal Detention, at paglabag sa RA 10591, o Illegal Possession of Firearms sa Department of Justice, at iniimbestigahan kung may iba pang kasong kinakasangkutan ang mga ito.  | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us