Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy firm sa Maynila ngayong araw na nangangako ng maritime jobs para sa mga Pilipino.
Sa pangunguna ng DMW Protection Bureau at sa pakikipagtulungan sa Manila police, sinelyuhan ang tanggapan ng Double D Training Consultancy Services (DDTC) sa Room 301, MBI Building, Ronquillo corner Ongpin Street, Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa DMW, ang naturang consultancy agency ay hindi lisensyado at hindi awtorisado ng ahensya na mag-recruit at magpaalis ng mga marinong Pilipino o i-refer sila sa mga banyagang employer.
Nagpaalala naman si DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac na sa mga nais na magtrabaho sa ibang bansa na tingnan sa DMW website ang listahan ng mga lisensyadong consultancy agency at mga aprubadong job orders.
Batay sa surveillance ng DMWPB, lumalabas na naniningil ng P80,000 na processing fee kada aplikante para sa iba’t ibang sea-based positions gaya ng seaman, oiler, at engineer ang naturang consultancy agency.
Mahaharap naman ang mga tauhan ng DDTC sa kasong illegal recruitment.
Hinikayat ng DMW ang mga nabiktima ng naturang consultancy agency na makipag-ugnayan sa kanila para sa kaukulang tulong at pagsasampa ng kaso. | ulat ni Diane Lear