Pormal nang ipatutupad ang Single Ticketing System sa Lungsod ng San Juan o ang pinag-isang multa para sa mga traffic violation.
Pinangunahan ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes at Land Transportation Office (LTO) Regional Director Atty. Noreen San Luis-Lutey ang ceremonial launching ngayong araw.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Zamora na masaya siyang maipatutupad na sa San Juan ang single ticketing system matapos ang kanilang initial run kung saan may konting aberya silang naranasan.
Kasabay ng paglulunsad ng single ticketing system, 30 handheld devices naman ang pinagkaloob ng MMDA sa San Juan na magagamit sa iisyung violation tickets sa mga pasaway na motorista, sa 20 common traffic violations.
Magagamit din ang handheld device sa pagbabayad ng mga driver ng kanilang multa sa pamamagitan ng online payment channels at credit cards.
Nabatid na kasama sa common traffic violations na sakop ng single ticketing system ang: disregarding traffic signs, illegal parking attended, illegal parking unattended, unified volume reduction program (number coding scheme), truck ban, at light truck ban.
Gayundin ang reckless driving, tricycle ban, obstruction, dress code for motorcycles, overloading, defective motor vehicle accessories, unauthorized modification, arrogance/discourteous conduct, loading and unloading in prohibited zones, illegal counterflow, and over speeding.
Naglalaro naman sa P500 hanggang 5,000 ang multa sa mga mahuhuli na may kasamang seminars depende sa paglabag. | ulat ni Jaymark Dagala