Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority na magiging patas at walang kinikilingan ang imbestigasyon laban sa kanilang suspendidong pinuno ng Special Operations Unit na si Col. Edison “Bong” Nebrija.
Sa pulong balitaan sa tanggapan ng MMDA sa Pasig City ngayong araw, sinabi ng acting chair nito na si Atty. Don Artes na daraan sa due process ang imbestigasyon kay Nebrija sa pangunguna ng kanilang legal team.
Nag-ugat ang usapin matapos madarag ang pangalan ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. nang mahuli ang umano’y convoy nito dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA busway.
Paliwanag naman ni Artes, ang ginawang pagsuspinde kay Nebrija ay upang mabigyang daan ang nagpapatuloy na imbestigasyon at bilang pagtatama sa kaniyang pagkakamali.
Giit pa ng MMDA Chief, lumagpas na si Nebrija sa pagtupad sa aniyang tungkulin at nagbanggit pa ng impormasyon na hindi naman kumpirmado. | ulat ni Jaymark Dagala