Humarap na sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasig City ang dalawang driver na nagpangalan kay Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. matapos mahuli nang dumadaan sa EDSA Bus Lane.
Sa inilabas na pahayag ng MMDA, sinabi nitong humarap kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes ang dalawang driver at ipinag-utos naman ng opisyal na tiketan na may multang P5,000 para sa first offense, matapos ang ginawang paglabag sa EDSA Bus Lane.
Ayon sa MMDA, inamin ng dalawang driver na hindi sakay ng kanilang sasakyan si Revilla nang sila ay nahuling dumaan sa EDSA Bus Lane, at inamin din ng mga ito na hindi ang senador ang may-ari ng sasakyan.
Kaugnay nito ay inamin din ng mga nanghuling traffic enforcers na hindi nila nakita ng personal na nasa loob ng sasakyan noon si Revilla, at ito ay naniwala lang sa sinabi ng driver na nagpangalan sa senador.
Sa ngayon, iniiwan naman ng MMDA ang desisyon kay Revilla kung magsasampa pa ito ng kaukulang kaso dahil sa pagdawit sa kaniyang pangalan.
Matatandaan namang sinuspindi ni Artes si New Task Force Special Operations Unit Head Bong Nebrija matapos na banggitin si Revilla kaugnay sa dumaang convoy sa EDSA Bus Lane. | ulat ni Diane Lear