Nagpahayag ng kanilang paglahok ang ilang Jeepney Operators and Drivers Association o JODA sa ikakasang tigil-pasada ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON sa Lunes.
Ayon kay Zaldy Canabal, Pangulo ng Bagong Bayan Pasig Jeepney Operators and Driver’s Association, aabot sa 7,000 nilang mga kasamahan na pumapasada sa mga Lungsod ng Pasig, Marikina, Taguig at Makati ang lalahok sa tigil-pasada
Gayunman, nangako ang mga ito na sila lamang ang lalahok at hindi sila mamimilit o mamumuwersa ng kanilang mga kapwa tsuper na pipiliing mamasada.
Nabatid na layon ng 3 araw na tigil-pasada ng PISTON na tutulan ang itinakdang December 31 na deadline para sa franchise consolidation application bilang bahagi ng transport modernization program.
Una nang nanawagan ng Philippine National Police o PNP sa mga lalahok sa tigil-pasada na bagaman karapatan nilang maghayag ng saloobin subalit hindi dapat anila puwersahin ang iba pang tsuper na pipiliing mamasada sa naturang panahon. | ulat ni Jaymark Dagala