Personal na binisita ni Vice President Sara Duterte ang mga naging biktima ng malakas na lindol na tumama sa malaking bahagi ng Mindanao.
Ito’y para ipaabot ang taos-pusong pakikiramay ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang itinalagang caretaker ng bansa habang nasa opisyal na biyahe ang Punong Ehekutibo.
Ilan sa mga dinalaw ni VP Sara ang burol ng isa sa mga nasawi matapos mabagok ang ulo sa isang posteng bakal sa Saranggani.
Bumisita rin ang Pangalawang Pangulo sa Saranggani Provincial Hospital sa Alabel para kumustahin ang kalagayan ng isang na-stroke at nahulugan ng debris noong kasagsagan ng lindol.
Nagtungo rin si VP Sara sa burol ng mag-asawang nasawi matapos madaganan ng pader ang kanilang bahay gayundin ang empleyado ng isang mall na nasawi rin matapos mahulugan ng bubong mula sa ikatlong palapag na gusali.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, labis nilang ikinalungkot ni Pangulong Marcos ang pagkalagas ng buhay at pasaning dinadala ng mga apektado ng sakuna.
Dahil dito, ipinaabot ni VP Sara ang tulong pinansyal sa lahat ng mga naapektuhan ng lindol sabay giit ng kahalagahan ng pagiging laging handa sa mga ganitong uri ng sitwasyon. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: OVP