Sa December 5, 2023 naka-schedule na humarap sa makapangyarihang Commission on Appointments si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel para sa kaniyang kumpirmasyon bilang kalihim.
Ito ay isang buwan matapos siyang pormal na italaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pwesto noong November 5.
Ayon kay CA Assistant Minority Leader at Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel, ang pinakamalaking hamon na kailangan tugunan ngayon ng bagong talagang kalihim ay kung paano agad i-modernisa ang sektor ng agrikultura at mapataas ang produksyon.
Punto ni Pimentel, marami sa pamilyang Pilipino ngayon ang hirap na makapaghain ng sapat na pagkain dahil sa mataas na presyo ng bilihin.
“We must increase domestic food production by leaps and bounds in the years ahead. This is the only way we can suppress unwanted upward pressures on food prices,” sabi ni Pimentel.
Maliban kay Tiu-Laurel ay inaasahang haharap muli sa CA si Health Secretary Teodoro Herbosa matapos ma-bypass ang kaniyang kumpirmasyon noong Setyembre.
Ngunit wala pang petsa para sa kaniyang pagsalang sa CA. | ulat ni Kathleen Jean Forbes