Nagbabala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa jail guards, wardens at iba pang custodial officers na wala na silang palusot oras na maisabatas na ang panukalang Contraband Detection and Control System Act.
Ito’y matapos pagtibayin ng Kamara sa 3rd at final reading ang panukala.
Salig dito, maglalatag ng CDCS system sa lahat ng penal, detention at custodial facility na hawak ng Bureau of Corrections, provincial governments, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ay para aniya mahinto na ang pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob ng mga kulungan na magreresulta naman para maputol na ang iligal na aktibidad ng mga convicted drug lords at kriminal sa loob mismo ng mga kulungan.
Punto nito, sa tuwing nagsasagawa ng Oplan Galugad ay laging mayroong nakukuhang kontrabando kasama ang droga.
Taliwas aniya ito sa nilalayon ng criminal justice system ng bansa.
“Sa tuwina na lang na may ipapatupad na Oplan Galugad sa ating mga detention facilities at may makukuha sa loob na maraming drugs, mobile phones, kutsilyo, baril at iba pang kontrabando, palagi na lang na may mga palusot ang ating mga bantay sa kulungan,” diin ni Barbers.
“The said operation also yielded a total of 66,241 various contraband goods, 7,512 liquors, P55,000 cash, 1142 communication devices including computers, 1,314 deadly weapons, 1,019 cigarettes or tobacco, 104 gambling materials, and 150 uncategorized contraband.” dagdag ng mambabatas.
“Ito ang dahilan kung bakit ang ilang mga naka-detain or convicted drug lords na may pera ay malaya pa rin na nakakapagpatakbo ng kanilang mga iligal na gawain tulad ng pagtutulak ng droga kahit nasa loob na ng kulungan,” dagdag niya.
Parusang 20 hanggang 40 taon na kulong at P5 million hanggang P10 million ang ipaoataw sa sinumang magtatangkang magpasok o mahuhulihan ng droga, armas at pampasabog.
Habang para sa ibang kontrabando, 6 hanggang 12 taon na kulong ang parusa at may multa na P1 million hanggang P5 million.
Maliban sa parusang kulong at multa, kung ang may sala ay isang public official, jail authority o empleyado ay papatawan sila ng perpetual absolute disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno at babawiin ang kanilang retirement benefits at leaves. | ulat ni Kathleen Jean Forbes