Nag-sorry si Quezon City Mayor Joy Belmonte kasunod ng nagawang abala sa mga motorista sa pagpapatigil ng daloy trapiko sa Katipunan at Aurora Boulevard nang mapadaan ang kanilang convoy.
Galing sa ribbon cutting sa nagbukas na coffee shop ang alkalde bago binaybay ang Katipunan Avenue, pero lingid sa kanilang kaalaman ay pinahinto ng mga MMDA traffic enforcer ang daloy ng trapiko sa kanilang daraanan bilang security protocol.
Sinabi ng alkalde na hindi ito dapat ginawa ng mga mga traffic enforcer dahil lumikha ng pagkaabala at kalituhan sa mga motorista.
Iginiit pa niya na hindi nila kinukunsinti ang ganitong insidente kasabay ng paghingi ng kanilang pasensya.
Kaugnay nito, inatasan ng alkalde ang Department of Public Order and Safety, Traffic and Transport Management Department at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa MMDA at talakayin ang pagrepaso maging ang pagsasaayos sa traffic protocols. | ulat ni Rey Ferrer