Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na may dalawang tripulante sa chemical tanker na MV Central Park na tinangkang i-hijack sa Gulf of Aden nitong Linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na napigilan ng US Naval Institute ang tangkang pangha-hijack at ligtas na rin ang naturang barko at ang dalawang Pilipino.
Ayon sa DMW, nakipag-ugnayan na rin sila sa license manning agency ng dalawang Pilipino upang mabigyan ang ahensya ng buong report kaugnay sa insidente.
Nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga pamilya at kamag-anak ng dalawang Pilipino.
Nakikipagtulungan na rin ang DMW sa Department of Foreign Affairs at sa mga partner nito sa international maritime shipping industry, upang matiyak ang kaligtasan ng dalawang Pilipino sa nasabing rehiyon.
Sa ngayon, tinitingnan ng DMW ang posibilidad na pagde-deklara sa ilang lugar sa Red Sea bilang high-risk zones para sa mga marinong Pilipino.
Ito na kasi ang ikalawang insidente ng hijacking na kinasasangkutan ng mga barko na may mga tripulanteng Pilipino. | ulat ni Diane Lear