Aarangkada na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang repormang agraryo.
Kasunod ito ng pagpayag ng BARMM na isailalim na ang mga lupain sa agrarian reform program ng pamahalaan.
Isang Memorandum of Understanding ang nilagdaan na kanina ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pangunguna ni BARMM Chief Minister Ahod Abraham at ni Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.
Maituturing na makasayaysayan ang kasunduan, dahil mula nang likhain ang Agrarian Reform law ay hindi nagpasakop dito ang mga Bangsamoro sa takot na mabawasan ang kanilang teritoryo.
Sa ilalim lamang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nagbukas ng pintuan ang BARMM sa DAR.
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Masonsong Estrella III, na maglalaan ng pondo ang ahensya para buhusan ng mga proyekto at programa ang sektor ng agrikultura sa naturang rehiyon.
Nakatakda nang makipagpulong si Secretary Estrella kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel upang pag-usapan ang mga interbensyon sa BARRMM. | ulat ni Rey Ferrer