Bahagya nang gumalaw ang presyo ng ilang mga produktong kakanin sa Lungsod ng Marikina ngayong 24 araw na lamang bago ang Pasko.
Sa bahagi ng J.P. Rizal sa Brgy. San Roque na dinarayong bilihan ng kakanin, aabot sa P20 hanggang P30 ang itinaas sa kanilang mga produkto.
Ang malaking bilao ng Puto Biñan, mabibili na sa P300 mula sa dating P270; ang malaking bilao ng puto kutsinta ay nasa P320 na mula sa dating P300 habang ang bibingkang latik ay nagkakahalaga na ng P340 kada bilao mula sa dating P320.
Ayon sa mga nagtitinda ng kakanin, tumaas na rin kasi ang sangkap sa paggawa ng mga kakanin gaya ng malagkit na bigas gayundin ng asukal.
Humihingi naman ng pang-unawa sa kanilang mga parokyano ang mga nagtitinda ng kakanin dahil kung hindi sila magtataas ay malulugi sila.
Bagaman matumal pa ngayon ang bentahan ng mga kakanin, umaasa naman ang mga nagtitinda na gaganda rin ang kanilang kita lalo’t papalapit na ang Pasko at Bagong Taon. | ulat ni Jaymark Dagala