Muling ipinahayag ng Pilipinas ang suporta nito para sa agarang tulong at kagyat na pangangailangan ng mga sibilyang naapektuhan sa kaguluhan sa Gaza, ito ay matapos ang naging pahayag ni Chargé d’affaires ad interim Ariel Rodelas Peñaranda sa UN General Assembly Debate.
Dito binigyang diin ni CDA Peñeranda ang kahalagahan ng kaligtasan ng lahat ng sibilyan, kasama na ang mga kritikal na pasilidad tulad ng humanitarian shelters at ospital, na dapat patuloy na tugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng kaguluhan.
Pinuri rin nito ang UN Relief and Works Agency (UNRWA), UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UNOCHA), at iba pang kaugnay na ahensya ng United Nations sa kanilang mga pagsusumikap at sakripisyo sa gitna ng krisis sa Gaza.
Hinimok rin nito ang agarang implementasyon ng solusyon upang maiwasan ang mas pagsiklab at pagkalat ng kaguluhan, at nanawagan sa lahat ng kalahok na bansa na magtulungan para sa pangmatagalang kapayapaan.
Binigyang diin din ni CDA Peñaranda ang suporta ng Pilipinas sa two-state solution, alinsunod sa mga relevant UN resolution at mga pandaigdigang kasunduan.
Dahil ayon kay Peñaranda, ang pangmatagalang resolusyon ay makakamit lamang sa pamamagitan ng diplomasya, diyalogo, at kumprehensibong negosasyon.| ulat ni EJ Lazaro