Ipinagdiriwang ngayong araw ng mga Pasayeño ang ika-160 taong founding anniversary ng lungsod kaya naman iba’t ibang aktibidad ang ikinasa ng Pasay City government para sa nasabing selebrasyon.
Kabilang sa mga ito ay ang pagsasagawa ng Parade of Lights, Street Dancing Competition, at Mall Wide Day Sale na magaganap sa Cuneta Astrodome, simula alas-3:00 ng hapon.
Bunga nito, simula ala-una hanggang alas-6 ng gabi, ang Daang Cabrera ay sarado mula EDSA hanggang Daang Vergel bago ang Daang Tramo mula EDSA hanggang sa Arnaiz Ave. Gayunin ang Arnaiz Avenue mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Pinapayuhan rin ang publiko na iwasan ang mga nasabing lugar sa mga nabanggit na oras upang hindi maantala ang biyahe.
Kasama sa nasabing pagdiriwang sina Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto Rubiano, Cong. Tony Calixto, at mga opisyal ng Pasay City Council.
Bukod dito, inihanda ng lokal na pamahalaan ang iba’t ibang patimpalak at sorpresa para sa mga residente ng lungsod.
Itinakda naman ng Pamahalaang Lungsod ang Walang Pasok o Special Non-Working Holiday sa buong Lungsod ng Pasay bilang paggunita sa ika-160 na Araw ng Pasay, sang-ayon na rin sa Batas Pambansa Blg. 11140.
Patuloy ang paanyaya ng Pasay LGU para sa lahat na makisaya sa buong araw ng selebrasyon na may temang “Be the Light” ngayong Pasay Day 2023.| ulat ni EJ Lazaro