Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patuloy nitong susuportahan ang mga kooperatiba na nabuo sa sektor ng transportasyon.
Ito’y bilang pakikiisa sa pagpapatupad ng pamahalaan sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ginawa ng LTFRB ang pahayag kasunod ng isinagawang National Transport Congress nitong Nobyembre na dinaluhan ng higit 300 transport cooperatives.
Ayon kay LTFRB Executive Director Robert Pieg, mananatiling matatag ang suporta ng ahensya sa mga transport cooperative na tumatangkilik sa mga programa nito partikular ang PUVMP.
Hinimay din sa transport congress ang pinakahuling datos at impormasyon tungkol sa PUVMP maging ang kasalukuyang pagrerepaso sa Omnibus Franchising Guidelines ng programa.
Ang Transport Congress ay isinagawa upang makabuo ng nagkakaisang posisyon hinggil sa nalalapit na palugit para sa Industry Consolidation at magkaroon ng polisiya na susuporta sa sektor ng transport cooperative.
Bukod pa rito ang hangarin na makagawa ng kongkretong plano o panukala upang tuluyang maisabatas ang PUVMP. | ulat ni Rey Ferrer