Malungkot na kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbitay sa 2 Pilipino sa China noong Nobyembre 24 dahil sa drug trafficking.
Ito ang inihayag ng kagawaran alinsunod na rin sa naging ulat sa kanila ng Punong Konsulado ng Pilipinas sa Guangzhou.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na nagpaabot na sila ng pakikiramay sa pamilya ng 2 Pinoy na hindi muna pinangalanan bunsod na rin sa hiling na privacy ng pamilya ng mga ito.
Paliwanag ng kagawaran, minabuti muna nilang huwag isapubliko agad ang pagkakabitay sa 2 kababayan dahil hinintay muna nilang dumating ang opisyal na abiso mula sa China.
Nabatid na 2013 naaresto ang 2 Pilipino na kung saan ay sumailalim sa paglilitis dahil sa iligal na pagpapasok ng ilegal na droga roon hanggang sa sila’y mahatulan noong 2016.
Gayunman, tiniyak ng DFA na ibinigay ng pamahalaan ang lahat ng tulong ligal para sa paghahain ng apela gayundin ang pagpapagaan ng sintensya at mapigilan ang pagbitay.
Kasunod nito, nagpaabot din naman ng tulong ang pamahalaan sa pamilya ng 2 Pinoy gaya ng paghahatid sa kanila sa Guangzou para kunin ang labi ng kanilang mahal sa buhay.
Bagaman ikinalungkot ng DFA ang nangyari, nanindigan ito sa pagpapaigting ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga gayundin ang pagpapanagot sa mga sindikatong nasa likod nito na gumagamit sa mga Pilipino.
Nagpaalaa naman ang DFA sa mga Pilipinong tutulak sa ibang bansa na maging maingat para huwag maging drug mule na modus operandi ng mga sindikato. | ulat ni Jaymark Dagala