Mariing kinondena ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU ang panibagong insidente ng pagsabog sa campus ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City kaninang umaga na ikinasawi ng 3 at ikinasugat ng 50.
Sa isang pahayag, sinabi ni OPAPRU Sec. Carlito Galvez Jr na nakikiramay sila sa pamilya ng mga nasawi at umaasa naman sila na makahahanap ito ng katatagan at lakas upang malampasan ang hinaharap nilang pagsubok.
Binigyang diin pa ni Galvez na ang walang habas na pag-atake na nangyari habang nagsasagawa ng isang misa sa loob ng MSU ay patunay lamang ng pagpapawalang halaga ng mga nasa likod nito na ang layunin ay maghasik ng takot, galit at pagkabalisa.
Wala aniyang puwang ang ganitong uri ng “barbarikong” hakbang sa isang sibilisadong gayundin ay mapayapang lupunan at makaaasa aniya ang gagawin ng administrasyong Marcos ang lahat upang mapanagot ang mga may-sala.
Nakikipag-ugnayan na sila sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM para sa anumang tulong na kanilang ibibigay sa mga biktima at pamilya nito. | ulat ni Jaymark Dagala