Ipinahayag ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang positibong reaksyon nito sa paglabas ng Administrative Order No. 11 (AO 11) na magbibigay daan umano sa positibong epekto sa paglago ng IT sector at oportunidad para sa iba pang LGU sa Metro Manila .
Sa AO 11 na inilabas ng Office of the President, inamyendahan nito ang AO No.18 na nagdedeklara ng moratorium noong 2019 sa proclamation ng mga economic zones sa National Capital Region. Sa ilalim ng bagong AO, bibigyang daan nito ang mga aplikante na may “Pre-Qualification Clearances” mula sa PEZA na muling isumite ang kanilang aplikasyon sa ilalim ng mga partikular na kondisyon sa loob ng 10-working days.
Sinasabing ang paglabas ng AO ay aagapay sa pag-angat ng employment at pagpo-posisyon sa Metro Manila bilang pangunahing information and communications technology hub na tugma sa 8-Point Socioeconomic agenda ng Marcos administration, na nagbibigay daan sa paglikha ng trabaho para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pag-promote ng mga investment na magpapataas ng productivity ng bansa.| ulat ni EJ Lazaro