Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang mga ground commanders na palawigin ang Target Hardening partikular ng mga simbahan.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ito’y hindi lang dahil sa pagsabog na nangyari sa Mindanao State University nitong Linggo, kundi bahagi ng security measures sa darating na Pasko.
Partikular na pinasisiguro ng PNP Chief ang pinalakas na Police visibility sa mga simbahan sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa darating na Disyembre 16.
Pinatutukan din ng PNP Chief ang pagbabantay sa mga matataong lugar tulad ng mga commercial center at tourist spot.
Nilinaw naman ni Fajardo na walang na-monitor na seryosong banta ang PNP sa Metro Manila, at ang paghihigpit ng seguridad ay pagpapatuloy lang ng “pro-active” stance ng PNP sa pagpapatupad ng batas. | ulat ni Leo Sarne