Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na tanging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang binibigyang kapangyarihan ng batas na magpalawig sa termino ng sinumang itinalaga nito.
Iyan ang inihayag ng PNP makaraang magpasya si Pangulong Marcos na palawigin pa ng tatlong buwan ang termino ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. o hanggang sa Marsch 31 ng susunod na taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, mismong ang PNP Chief na ang nagsabi na nananatili ang tiwala at kumpiyansa sa kaniya ng Pangulo para magpatuloy sa serbisyo kaya’t ipinagpapasalamat niya ito.
Sinabi ni Fajardo na nakasaad naman sa naging komunikasyon ng Malacañang kay Acorda na dahil sa natatanging pagganap nito sa tungkulin kaya’t ninais ng Pangulo na palawigin pa ang kaniyang termino.
Nilinaw din ni Fajardo na walang mababawas sa kapangyarihan ni Acorda kahit pinalawig pa ang termino nito lalo’t nasa kaniya ang buong tiwala at kumpiyansa ng Punong Ehekutibo. | ulat ni Jaymark Dagala