Pinagana na ng Commission on Human Rights (CHR) sa Northern Mindanao ang Quick Response Operation (QRO) para maghatid ng tulong sa pamilya ng mga nabiktima ng karumal-dumal na pambobomba sa Mindanao State University noong Linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na mariin din nitong kinokondena ang pag-atake sa naturang unibersidad habang nasa gitna ng isang misa.
Giit ng CHR, ang mga ganitong uri ng karahasang nagdudulot ng takot at kaguluhan ay taliwas sa prinsipyo ng international humanitarian law.
“To note, this bombing comes at a time when we are observing the Mindanao Week of Peace. We call out the perpetrators for their obvious dismissal of the shared responsibility to preserve human dignity and to respect the call in defense of human rights.”
Ayon sa CHR, kasama sa mandato nito ang tutukan at imbestigahan ang alegasyon ng human rights violations sa naturang kaso na sinasabing kinasasangkutann ng mga armadong grupo.
Umaasa naman ito sa mabilis na resolusyon ng pamahalaan sa insidente at agad na pagkamit ng hustisya lalo sa mga biktima.
Sa huli, nagpaabot ng pakikisimpatya ang CHR sa mga biktima ng pambobomba.
“We express our hope that this incident will not hinder our collective effort toward a just and lasting peace across the nation.” | ulat ni Merry Ann Bastasa