Itinanggi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na nagkaroon ng failure of intelligence sa nangyaring pambobomba sa Mindanao State University (MSU), nitong Linggo.
Ayon sa AFP Chief, inaasahan na ng militar na posibleng maglunsad ng pag-atake ang mga lokal na terorista bilang paghihiganti sa sunod-sunod na pagkatalo nila laban sa mga pwersa ng gobyerno sa Mindanao, base sa karanasan sa nakalipas na panahon.
Paliwanag ni Brawner, inabisuhan ng militar ang security forces at mga lokal na pamahalaan na hindi lang sa Marawi kung hindi maging sa Maguindnaao, Lanao del Sur, at Lanao del Norte na mag-ingat sa posibleng pag-atake sa mga “soft target,” at magpatupad ng kaukulang pag-iingat.
Ang problema aniya ay may sariling security force ang Mindanao State University katulad ng University of the Philippines, at hindi basta-basta nakakapasok ang AFP at PNP para mag-operate sa loob ng campus.
Ayon sa AFP Chief, maaring nagkaroon ng “failure of security” dahil hindi na-inspeksyon ang mga bag ng mga pumapasok sa campus, kaya naipuslit ang pampasabog. | ulat ni Leo Sarne