Arestado ang lalaking nangholdap sa isang bakeshop sa Brgy. Sienna, Quezon City.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Romil Avenido, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 1, ang suspect na si Joreen Adurru.
Ayon kay Avenido, humingi ng calling card si Adurru mula sa dalawang staff ng bake shop at saka umalis.
Kinalaunan ay binalikan nito ang bakeshop kung saan naglabas siya ng baril at nagdeklara ng holdap.
Tinangay ni Adurru ang ₱12,000 na cash at dalawang cellphone subalit iniwan ang mga SIM card nito.
Dinala sa kusina ang dalawang staff at kinalampag ang mga drawer para maghanap pa ng nanakawin.
Bago nakatakas ay binunot niya ang saksakan ng CCTV at sensor ng pintuan na awtomatikong nagla-lock.
Na-trace ng mga pulis ang suspect at ang kanyang motor sa Caloocan City hanggang sa pagpunta sa kanyang safe house sa Malabon City kung saan siya inaresto.
Narekober sa kanya ang isang .38 cal revolver at isang granada.
Napag-alaman ng Pulisya na dating nahuli si Adurru sa mga kasong robbery, illegal possession of firearms, at paglabag sa omnibus election code na nagbabawal sa pagdala ng baril noong nakaraang eleksyon.
Inamin ng suspect ang panghoholdap dahil kinailangan niya ng pambili ng pang-maintenance na gamot ng kanyang lola na may sakit sa puso.
Mahaharap si Adurru sa mga kasong robbery, illegal possession of firearms and explosives, at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. | ulat ni Bernard Jaudian Jr.