Dumulog sa tanggapan ng San Juan City Police ang Sangguniang Kabataan (SK) kagawad na sinasabing biktima ng pangmomolestya ng isang dating SK Chairperson sa lungsod.
Personal na sinamahan ni San Juan Mayor Francis Zamora ang biktima matapos magsaklolo dahil sa takot sa kaniyang seguridad.
Ayon kay Mayor Zamora, nakatatanggap kasi ng pressure at pagbabanta ang biktima para iatras ang kanyang kaso laban sa suspek na una nang naaresto.
Base sa report, November 30, 2023 nang mangyari ang insidente sa kasagsagan ng mandatory SK training sa Talisay, Batangas.
Sa reklamo ng 20 taong gulang na biktima, kakatapos lamang nilang mag-inuman kasama ang suspek bandang ala-5 ng madaling araw nang magkaayaan sila na lumabas ng resort.
Pumasok ang biktima sa silid para hanapin ang susi ng kaniyang kotse nang magulat na lamang siya na umatake na ang suspek para gawan siya ng kahalayan.
Agad na nagsumbong ang biktima sa kaniyang mga kaibigan sa Talisay Police Station, dahilan upang agad masakote ang suspek.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek noong Disyembre 1 sa Batangas Hall of Justice dahil sa kasong acts of lasciviousness, subalit nakalaya rin matapos makapagpiyansa.
Tumanggi nang magbigay pa ng kaniyang panig ang suspek subalit una na nitong iginiit na pulitika ang motibo ng biktima sa paghahain niya ng reklamo. | ulat ni Jaymark Dagala