Naghain ng resolusyon si Lanao del Norte 1st district Rep. Khalid Dimaporo para paimbestigahan ang nangyaring pagsabog sa Dimaporo Stadium sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi.
Sa kaniyang House Resolution 1508, inaatasan ang angkop na komite para magkasa ng investigation in aid of legislation kaugnay sa insidente ng pambobomba sa MSU.
Ipinunto ni Dimaporo na nangyari pa rin ang pambobomba sa loob ng isang academic institution na dapat sana ay isang ligtas na lugar sa kabila ng aral na iniwan ng Marawi siege.
Kailangan aniya matukoy kung nagkaroon ng lapses o pagkukulang sa security at intelligence service na sana ay nakatulong para pigilan ang ganitong insidente.
Umaasa din ang mambabatas na sa pamamagitan ng imbestigasyon ay makapaglalatag ng hakbang upang hindi na maulit pa ang insidente na banta sa kapayapaan sa Mindanao.
Una nang pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 1604 na naghahayag ng mariing pagkondena ng Kapulungan sa nangyaring pambobomba sa Mindanao State University at panawagan para sa mabilis na imbestigasyon at pagpapanagot sa mga salarin.| ulat ni Kathleen Jean Forbes