Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Maynila na tuloy ang kanilang pag-alalay sa mga posibleng ma-stranded dahil sa ikinasang tigil-pasada ng grupong PISTON.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna, nakatutok aniya ang buong pwersa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila gaya ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO at Manila Police District sa nagaganap na transport strike.
Paliwanag ni Abante, gaya ng mga nakaraang transport strike, nakahanda ang kanilang iba’t ibang sasakyan na magbigay ng libreng sakay saan man sa buong lungsod.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa lungsod ng Maynila, nakapila sa iba’t ibang bahagi ng kartilya ng Katipunan malapit sa Manila City Hall ang mga naka-standby na e-bike at mga sasakyan ng MPD at MDRRMO para sa libreng sakay.
Wala rin na-monitor na stranded na mga pasahero bagamat kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga jeep na pumapasada kumpara sa normal na araw ay hindi naman ito nagdulot ng pagkaantala sa mga commuter. | ulat ni Lorenz Tanjoco