Bumabaha ngayon ang bentang torotot sa shopping centers sa lungsod ng Maynila.
Sa Divisoria, kaliwa’t kanan ang mga nagbebenta ng mga pampaingay kung saan nagkakahalaga ang mga ito ng P25 depende sa laki.
Ayon kay Tina, isang tindera ng torotot, isa itong magandang alternatibo para sa mga paputok ngayong pagsalubong sa Bagong Taon.
Matatandaan naman na una nang nag-anunsyo ang Department of Health-NCR hinggil sa paggamit ng paputok.
Ayon kay Dr. Aleli Annie Grace P. Sudiacal, Regional Director, DOH-Metro Manila Center for Health Development – simula 2021 hanggang 2022, nasa mahigit 100% ang itinaas ng bilang ng mga nabibiktima ng paputok.
Kaya naman itinutulak ng ahensya ang healthy Christmas at iwas paputok campaign nito sa pamamagitan ng pagbibigay impormasyon sa publiko na may paraan para makapagdiwang ng bagong taon nang ligtas na alternatibo. | ulat ni Lorenz Tanjoco