Inilunsad ng Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang kauna-unahang “Peace Education University Tour” sa Western Mindanao State University (WMSU).
Ang aktibidad na naglalayong isulong ang kultura ng kapayapaan ay nilahukan ng mga estudyante, peace educators at peace advocates mula sa ZamBaSulTa area.
Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe sina Ateneo de Zamboanga University President Fr. Guillrey Anthony M. Andal SJ, PNP Police Regional Office 9 (PRO9) Regional Director PBen. Bowenn Joey M. Masauding, AFP Western Mindanao Command (Westmincom) Chief LtGen. William N. Gonzales PA, at Zamboanga City Administrator Atty. Wendell Sotto na kumatawan kay City Mayor John Dalipe.
Sa pahayag ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. na binasa ni OPAPRU Executive Director Andres S. Aguinaldo, Jr., nagpasalamat ang kalihim sa Western Mindanao State University sa pangunguna ni University President Dr. Ma. Carla A. Ochotorena sa pag-host ng aktibidad.
Kasabay ng aktibidad, isang kasunduan sa pagitan ng WMSU at OPAPRU ang nilagdaan, para sa pagpapalitan ng “peace education resources” at sabayang pagsasagawa ng “peace education learning and reflection sessions.”. | ulat ni Leo Sarne
📷: OPAPRU