Nakatakda nang umuwi sa Pilipinas ngayong araw ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Gelienor “Jimmy” Pacheco.
Si Pacheco ang isa sa mga binihag ng Palestine Militant Group na Hamas sa Gaza Strip sa kasagsagan ng sigalot sa pagitan ng Israeli Forces at ng nabanggit na grupo.
Batay sa abiso ng Department of Migrant Workers (DMW), lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang Philippine Airlines Flight 659 mula Dubai kung saan lulan si Pacheco.
Kasunod nito, sasalubungin din ng DMW ang mga uuwing OFW sa ilalim ng programang “Paskong Salubong sa mga Bagong Bayani ng Bagong Pilipinas” katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Mamamahagi ang kagawaran ng mga Pamaskong handog sa mga Pilipinong sakay ng Philippine Airlines Flight PR655 buhat sa Riyadh, Saudi Arabia.
Personal na sasalubungin ni Migrant Workers Officer-In-Charge, Undersecretary Hans Leo Cacdac si Pacheco gayundin ang mga magbabalik bansa na mga Pilipino na layuning ipadama ang diwa ng Paskong Pilipino para sa kanila. | ulat ni Jaymark Dagala