Naghihimutok ngayon ang ilang jeepney driver sa Lungsod ng San Juan matapos silang harangin ng mga kapwa nila tsuper na lumahok naman sa tigil-pasada ng mga grupong MANIBELA at PISTON ngayong araw.
Ayon sa ilang tsuper na nakausap ng Radyo Pilipinas, naka-isang ikot na sila nang harangin sila ng mga kapwa nila tsuper sa bahagi ng Old Sta. Mesa na nasa hangganan ng Maynila at San Juan.
Gustuhin man nilang bumiyahe subalit napilitan silang tumigil sa pamamasada sa takot na rin sa mga kapwa nila tsuper na gawan sila ng hindi maganda kapag hindi sila nakiisa.
Dahil dito, nangangamba ang mga tsuper na mag-abono pa sa kanilang boundary bukod sa wala na silang kikitain para sana ipang-gastos sa araw na ito kaya’t susubukan nilang makiusap sa kanilang mga operator.
Samantala, dahil sa mga jeepney driver na tumigil sa pamamasada, naging pahirapan naman ang pagsakay ng ilang mga pasahero. | ulat ni Jaymark Dagala