Kumpiyansa si Speaker Martin Romualdez na hindi magiging balakid sa paglagda ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2024 General Appropriations Bill ang pag-alis sa confidential at intelligence fund ng civilian agencies.
Ito ang tugon ng House leader nang matanong ng Philippine media sa isang panayam sa sidelines ng ASEAN-Japan Summit.
Aniya, kapwa nagkasundo naman ang Senado at Kamara na alisin ang CIF ng civilian agencies, at mismong mga pinuno na ng naturang mga ahensya ang sumang-ayon at boluntaryong isinuko ang kanilang mga CIF.
Kaisa rin aniya ang Pangulo na bawasan ang CIF ng civilian agencies at ituon ito sa mga security agency gaya ng Philippine Coast Guard upang mapalakas ang depensa ng bansa sa West Philippine Sea.
“I think so because both Houses agreed upon it. In fact the heads of the departments have agreed to it naman. They’ve voluntarily withdrew it. And the President is of that mind that as much as possible to minimize the CIFs of the civilian department or agencies and rather focus where, you know, where it’s best suited, dito sa mga security issues, yung defense, ‘yang sa Coast Guard, the West Philippine Sea.” sabi ni Romualdez.
Sa December 20, Miyerkules inaasahang lalagdaan ng Pangulong Marcos Jr. ang P5.768 trillion 2024 national budget. | ulat ni Kathleen Jean Forbes