Binabantayan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Davao Region, ang kondisyon ng mga pamilyang naapektuhan ng Tropical Storm (TS) Kabayan.
Hanggang ngayong araw, may 411 pamilya o 1,833 indibidwal mula sa 9 na barangay sa rehiyon ang naapektuhan na ng bagyo.
Sa nasabing bilang 314 pamilya o 1,396 indibidwal ang nanatili sa 7 evacuation centers sa Davao Oriental at Davao de Oro.
Habang ang 63 pamilya o 284 indibidwal ang nanatili sa kanilang mga kaanak at kaibigan.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, mayroon pang mahigit P82-million na standby at stockpile funds ang DSWD Davao Region na maaaring magamit sa relief operations sa Region 11.
Sa kabuuang standby funds, aabot sa 44,514 ang family food packs na nagkakahalaga ng mahigit P29 milyon, non-food items na nagkakahalaga ng P42 milyon, at iba pang non-food items na nagkakahalaga ng P77 milyon. | ulat ni Rey Ferrer