Naghain si Senator Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong gawing moderno ang Philippine Coast Guard (PCG) sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Sa ilalim ng Senate Bill 2516, o ang panukalang PCG Modernization Act, maglalatag ng modernization program para pagandahin ang mga pasilidad ng PCG, palakasin ang kakayahan nito, at paigtingin ang epektibong pagpapatupad ng kanilang mandato.
Sa ilalim ng panukala, nais ni Gatchalian na makilala ang PCG bilang “world-class guardian of the sea” pagdating ng 2025 na mayroong makabagong teknolohiya at mga equipment.
Minamandato rin nito na magtatag ng PCG Modernization Trust Fund na kailangang may paunang pondong P1-bilyon.
Paliwanag ni Gatchalian, layon ng isinusulong niyang panukala na pahusayin ang kakayahan ng PCG sa pagtataguyod ng soberanya, territorial integrity, at sovereign rights ng bansa, pagtiyak ng kaligtasan at pagprotekta ng maritime domain ng pilipinas laban sa lahat ng anyo ng maritime incidents at transnational crimes. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion