Hinikayat ni Senate Minority Leader Koko Pimentel si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-veto ang P450-billion unprogrammed fund na nasa ilalim ng nabuong panukalang 2024 budget ng Kongreso.
Ito ayon kay Pimentel ay para maiwasan na makwestiyon sa korte suprema ang maaaprubahang pambansang pondo sa susunod na taon.
Matatandaang una nang kinuwestiyon ni Pimentel ang paglobo ng unprogrammed fund sa 2024 general appropriations bill (GAB) na inaprubahan sa bicameral conference committee ng Kongreso.
Una nang sinabi ng mambabatas na dahil sa paglobo ng unprogrammed fund ay lagpas na sa orihinal na pinanukalang P5.768-trillion ang kabuuang pinapanukalang pondo para sa susunod na taon.
Giniit ng senador na kung hindi ito gagawin ng punong ehekutibo ay magkakaroon ng kaso na pwedeng iakyat sa kataas taasang hukuman.
Una nang iginiit ni Senate finance committee chairman Sonny Angara na constitutional ang niratipikahang bersyon ng Kongreso ng 2024 GAB. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion