Muli na namang tumaas ang weekly COVID-19 positivity rate sa Metro Manila.
Sa datos mula sa independent monitoring group na OCTA Research, umakyat pa sa 21% ang COVID-19 weekly positivity rate sa National Capital Region (NCR) nitong December 17.
Halos doble na ito kumpara sa 13.4% positivity rate na naitala noong December 10.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, ito pa lamang ang ika-limang beses na umabot sa higit 20% ang positivity rate sa NCR mula noong 2020.
Maging ang nationwide COVID positivity rate ay lumagpas na rin sa 15%, na pinakamataas mula noong Mayo ng 2023.
Kaugnay nito, sinabi ni David na karamihan naman ng nagpositibo ay mild cases lamang.
Gayunman, tumataas na rin aniya ang hospital occupancy sa NCR. | ulat ni Merry Ann Bastasa