Nagpapatuloy ang pag-iikot ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa mga liblib na kampo militar para kumustahin ang mga tropa at maghatid ng Pamaskong regalo.
Huling binisita ni Gen. Brawner ang forward operating detachment sa Las Navas, Samar at 8th Infantry Division (8ID) Headquarters sa Catbalogan City kahapon.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga tropa, sinariwa ni Gen. Brawner ang kanyang karanasan bilang isang batang opisyal na namuno sa 2nd Special Forces Battalion at Special Operations Task Group-Samar sa pakikipaglaban sa mga teroristang komunista sa boundary ng Las Navas, Matuginao, at Jipapad.
Pinuri naman ni Gen. Brawner ang 8ID sa kanilang tagumpay sa laban sa NPA, at ikinatuwa ang pagkabuwag ng lahat ng guerilla front sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ni Gen. Brawner na kumpiyansa siya na mauubos na ang nalalabing mga NPA sa rehiyon sa susunod na taon. | ulat ni Leo Sarne
📷: PFC Carmelotes/PAOAFP