Binigyang pugay at pagkilala ni Vice President Sara Duterte ang ginawang sakripisyo ni Sergeant Jernell Ramillano na nasawi naman sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng Militar at CPP-NPA sa Balayan, Batangas noong linggo, December 17.
Sa kaniyang video message, sinabi ng Pangalawang Pangulo na si Sgt. Ramillano ang isa sa mga pinakabagong biktima ng anito’y karumal-dumal na gawain ng Kilusang Komunista.
Ayon pa sa Pangalawang Pangulo, ipinaalala ni Sgt. Ramillano si 1st Lieutenant Jaren Relota na nasawi rin sa pakikipaglaban sa NPA sa Davao City noong 2018.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay si VP Sara sa naulilang pamilya ni Sgt. Ramillano at sinabi nitong mananatiling isang inspirasyon ang ginawa niyang sakripisyo at pagmamahal sa bayan na kailanma’y tatanawin ng mga Pilipino.
Dahil dito, iginiit ng Pangalawang Pangulo na hindi sinsero ang liderato ng CPP-NPA at NDF sa pagkakamit ng kapayapaan, bagkus ay sisirain lamang nito ang pundasyon, demokrasya, at pabagsakin ang pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala