Natagpuan ng puwersa ng pamahalaan ang labi ng opisyal ng New People’s Army (NPA) malapit sa pinangyarihan ng engkwentrong naganap noong Disyembre 17 sa Balayan, Batangas.
Natagpuan ng mga tropa ng 59th Infantry “Protector” Battalion at kapulisan,ang katawan ni Alias Kyrie/Vince, Vice Platoon Leader ng SPP Kawing ng Southern Tagalog Regional Party Committee Sub-Regional Military Area 4C, 500 metro sa pinangyarihan ng bakbakan sa Barangay Malalay.
Ayon sa militar, ang bangkay ay inabandona ng mga nagsitakas na NPA.
Nauna rito, anim na NPA ang nasawi nang makasagupa ng militar ang tinatayang 14 teroristang komunista na nagsasagawa ng pagpupulong sa naturang barangay.
Ayon kay 2ID Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong, hindi ikinatutuwa ng mga tropa ang pagkasawi ng pitong kababayang nalinlang ng kilusan, at umaasang susuko na lamang ang natitirang miyembro nito upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente. | ulat ni Leo Sarne