Nagsimula ng dumagsa ang mga pasahero ngayong hapon dito sa Five Star Bus Terminal at Baliwag Bus Terminal sa EDSA-Cubao sa Quezon City.
Tuloy-tuloy na rin ang pagdating ng mga taxi, private vehicles, at TNVS na naghahatid ng mga pasahero sa dalawang terminal.
Ang naturang terminal ay may biyaheng pa-Norte gaya ng Pangasinan, Nueva Ecija, Tuguegarao, Bulacan, at Baguio.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, makikita rin sa labas ng terminal ‘yung mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tumutulong magmando ng trapiko at paalisin ‘yung mga sagabal sa lalabasan ng mga terminal na nakakadagdag sa pagsisikip ng trapiko.
Mayroon din police assistance desk na siyang nakabantay sa seguridad ng dalawang terminal.
Ayon sa tauhan ng MMDA na nakapanayam natin at batay na rin sa kanilang monitoring alas-3:30 ng hapon nagsimulang dumating ang mga pasahero at inaasahan pa raw na dadagsa pa ito mamayang after office hours.
Sa sitwasyon naman ng trapiko dito sa EDSA-Cubao light to moderate pa ang daloy ng mga sasakyan ito ay sa magkabilang panig ‘yung northbound lane at south bound lane.
Pero kanina dinaanan natin ‘yung Kamuning Flyover eh mabigat na trapiko na ang nararanasan doon. | ulat ni Diane Lear