Sinabi ng isang mambabatas na mag-sariling sikap na muna ang Pilipinas sa pagharap sa epekto ng climate change at sa paglipat sa paggamit ng mas malinis na enerhiya.
Ito ay habang wala pa ring kasiguruhan ang pondo na manggagaling sa 28th Conference of Parties to the United Nations (COP28).
Paliwanag ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte bagamat nakapagbigay ng pondo sa Loss and Damage Fund (LDF) ang mga malalaking bansa na siya ring gumamit ng pinakamaraming fossil fuel na nagpa-init sa mundo, ay hindi naman matukoy kung magkano ang kanilang dapat na ibigay kada taon at kung magkano ang mapupunta sa mga bansa na lubhang apektado ng climate change.
Tinukoy ng mambabatas na hanggang noong December 13 ay umabot na sa $726 milyon ang LDF pero wala pa rin umanong usapan kung magkano ang dapat na ibigay kada taon ng mga “biggest polluter” at kung ito ba ay boluntaryo o mandatory.
Noong COP2015 sa Denmark, nangako ang naturang “big polluters” ng $100 billion na halaga ng tulong taon-taon sa mga bansang lubhang apektado ng climate change. | ulat ni Kathleen Jean Forbes