Mahigit 200 kawani ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) West ang ipinakalat na para sa pagpapatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos: Oplan Semana Santa at Summer Vacation 2023.”
Kasabay nito, ang mahigpit na utos ni LTO-NCR West Regional Director Roque Verzosa III, na ipatupad ang “Land Transportation and Traffic Code” o Republic Act 4136, at iba pang mga espesyal na batas hanggang Abril 10, at Oplan Isnabero mula Abril 11 hanggang 12 ngayong taon.
Layon nito na mabigyan ng komportable, ligtas, at maaasahang paglalakbay ang mga pasahero at motorista ngayong Semana Santa at Summer Vacation.
Ang LTO-NCR West ay sumasaklaw sa mga lungsod ng Maynila, Pasay, Makati, Caloocan, Malabon, Navotas, Muntinlupa, at Las Piñas. | ulat ni Rey Ferrer